Monday, September 22, 2014

Ang Ipis na Lumalangoy sa Asido

Q: Kung ipis ka, bakit sa lahat ng pwede mong languyan ay itong asidong ito?

Hindi rin alam nung ipis. Sa totoo lang, kung may choice din naman ito ay mas gugustuhin niyang maambunan ng Baygon na ginagamit pamatay nung babae sa counter na matagal na nilang tinataguan ng kaniyang mga repa. Ibang klase na rin naman ang Baygon sa ngayon, hindi na nangangalingasaw na parang kimikal, amoy citrus na! Kaya kung sakali mang matepok ka rito ay para ka na ring pinabanguhan bago dalhin sa iyong huling hantungan - ang basurahan. Mas mabuti nga rin sigurong mahampas ng tsinelas at mag-play dead, for more chances of living.

Pero hindi 'yun ang kapalaran ng ipis na ito. sa hindi niya ring malamang dahilan ay napadpad siya sa isang madilim at mamasa-masang lugar, kung saan naramadaman niya ang likidong unti-unting bumabalot sa kaniyang katawan - mula sa maliliit nitong paa, sa antennae, hanggang sa maninipis nitong pakpak. Hindi na siya sigurado kung mainit o malamig sa lugar na iyon, dahil sa likidong pumapaso sa pagka-insekto nito. Kakaiba ang pakiramdam - di hamak na mas matindi ito sa Baygon nung babae sa counter.

Hindi ganito ka-vivid ang memorya ng ipis sa kung ano ang nangyari. Ang huli lang niyang natatandaan ay ang kaniyang pamamasyal sa tabi ng lutuan nitong babae sa counter. Nakabibighani kasi ang amoy ng kaniyang nilulutong burger, mga apat iyon. Sa pamamasyal ay napaisip siya kung gaano sila kaswerte ng kanyang mga repa - napakalapit nga naman sa source of food ang kanilang lungga. Kaunting lingat lang ng babae sa counter ay maaari na nilang atakihin ang kung anumang tira sa luto nito - maliliit na piraso ng burger, bread crumbs, kaunting thousand island dressing, rapsa! Dapat nga lang maging maingat, dahil ang kung sinumang mahuli ay tiyak na maaambunan ng amoy citrus na Baygon ng babaeng ito.

Hindi ugali ng ipis na ito na mamasyal habang nandito pa ang babae sa counter. Mas gusto kasi nilang magkukumpare na sa gabi na lang umatake, pagkauwi nung babae sa counter. Madilim man, wala namang kalaban. Hindi naman nila habol ang tira-tira dun sa lutuan sapagkat dun sila dumidiretso sa lalagyan ng ingredients nung babae sa pagluluto ng burger. Hindi talaga ugali ng ipis na ito na mamasyal habang nandito pa ang babae sa counter, hindi rin niya alam kung bakit niya ginawa 'yun. Siguro nga'y pag panahon mo na, panahon mo na.

Sa mga huling sandali ng ipis na ito, nag-flashback ang buong buhay niya. Itong huling pamamasyal, lahat ng escapades nilang mare-repa sa dilim, ang kanilang paninilip sa babae sa counter, pagtikim ng hilaw na burger, medyo lutong burger, sunog na burger at kung anu-ano pa. Naisip din niya ang kanyang pamilyang naghihintay sa kaniya. Hindi nila alam kung anong nangyari dahil paniguradong hindi na nila makikita ang kanyang bangkay - unti-unti na kasing tinutunaw ng asido ang kanyang maliit na katawan. Sinubukan niyang igalaw ang kaniyang mga paa, pero hindi na niya ito maramdaman. Sa huli'y hinayaan na lang niya ang kaniyang sariling lumangoy sa asido, sabay sabi ng kaniyang pamamaalam sa mundong ibabaw.

---

Hindi ko alam kung paano naatim ng tiyan kong kainin ang burger na 'yun. Hindi ko rin alam kung papaano naaatim ng babae sa counter na manatili sa maruming lugar na 'yun. Katakawan siguro 'to, sayang din kasi yung tatlumpung pisong cheeseburger, buy 1 take 1 na.

No comments:

Post a Comment